PINAG-AARALAN ng National Wage and Productivity Commission (NWPC) ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin sa sweldo ng mga manggagawa.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, patuloy na mino-monitor ng NWPC ang inflation, ngunit sa ngayon ay wala pang ulat na naisusumite sa kanya kung ang antas ng inflation ay sapat nang gawing batayan ng panibagong umento sa sahod.
Magkagayonman, inatasan na rin ang komisyon na makipag-ugnayan sa National Economic Development Authority (NEDA) at sa Department of Trade and Industry (DTI) na kapwa may representasyon sa NWPC.
Sa ilalim ng batas, isang beses lamang sa isang taon pinapayagan ang umento sa sahod, maliban na lamang kung mayroong tinatawag na supervening event gaya ng matinding inflation.
Sa NCR , huling nagpatupad ang Regional Wage Board ng umento sa sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sampung piso ang pinakahuling wage hike na inaprubahan sa NCR at sa kasalukuyan, ang minimum na pasahod sa rehiyon ay nasa P466.
(BETH JULIAN)