INAPRUBAHAN na ng House Committee on People’s Participation ang panukalang batas para sa accreditation ng lahat ng non-governmental organization (NGO) at people’s organizations na pwedeng tumanggap ng salapi mula sa gobyerno.
Layunin nito na tumibay pa ang sistema para sa accountability at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan para hindi na maulit ang pamamayagpag ng Napoles NGOs na naging instrumento ng pork barrel scam.s
Ang House Bill 4688 o NGO Accreditation for Government Fund Releases Act ay substitute bill ng panukala ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng isang ahensiya na mangangasiwa sa pagbibigay ng accreditation sa mga grupo na nagnanais magpatupad ng proyektong gamit ang pondo ng gobyerno.
Dadaan sa mabusising proseso ng validation ang mga NGO at POS para mapatunayan ang pagiging lehitimo ng mga ito pati na ang kanilang kapasidad.
Ang lahat ng detalye ng transaksiyon ng mga ito sa mga ahensiya ng gobyerno ay kailangang ilathala sa agency website at obligado rin ang mga organisasyong ito na mag-liquidate.
Kung mabibigo ang NGOs na gawin ito ay makakansela ang kanilang accreditation bukod pa sa pwede silang maharap sa kasong sibil o kriminal.