HINDI pala dapat sa edukasyon ang naging propesyon ni Silangan National High School (San Mateo, Rizal) principal Alfredo Lopez — mas bagay pala sa kanya ang maging BOUNCER o kaya ay WARDEN sa Bilibid.
Kakaiba kasi ang katapangan at kabulastugan sa katawan nitong si Lopez.
Mantakin ninyong kayang-kaya niyang mag-umpog ng mga estudyanteng menor de edad , manigaw at murahin ang mga babaeng teacher at pagtrabahuin na parang piyon o mason ang mga kalalakihang teacher sa pagtatayo ng bakod ng kanilang paaralan?!
‘Yung huling aksyon, medyo nakatutuwa ‘yan. Mantakin ninyong mahikayat niya ang kanyang mga gurong lalaki na magtayo ng bakod ng paaralan?!
‘Yan ay kung in good faith … walang halong pamimilit, pananakot o panloloko.
Inutusan niya ang mga lalaking guro na itayo ang bakod at papalitan daw niya ng service credits para kapag may emergency cases ang mga teacher ay magamit nila.
Bantulot man ay pumayag na rin ang mga lalaking teacher kasi nga meron service credit.
Heto na, nang humihingi na ng sertipikasyon para sa kanilang service credit ‘yung mga guro, aba ‘e bweltahan ba naman nag ganito: “Bakit hindi ba kayo makapagtrabaho nang walang suhol?”
At ang kahindik-hindik … nag-withdraw si Lopez ng P17,000 sa pera ng kantina para umano sa kanyang fencing project, pagkatapos ay ini-reimburse sa General Parents & Teachers Association (GPTA) at sa Municipal Hall ng San Mateo, Rizal.
Magulang si Lopez?!
Hindi lang ‘yan ang reklamo kay Lopez, marami pang iba at binaha na yata ang Department of Education (DepEd) ng iba’t ibang uri ng reklamo mula sa mga estudyante, mga magulang at mga guro …
Pero ang ipinagtataka natin, bakit nanatili pa rin siya at hindi magalaw-galaw na principal d’yan sa Silangan National High School?!
Alam kaya ni DepEd Regional Director, Dr. Diosdado San Antonio na siya ang ipinambabala ni Lopez sa lahat ng kanyang katarantaduhan?!
DepEd Regional Director San Antonio, paki-EXPLAIN nga po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com