BAGAMA’T nagalak sa hiling ni Janet Napoles na siya ay doon ikustodiya, tinanggihan ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang pork barrel scam queen dahil sa posibleng gusot na idudulot sa Simbahan at sa batas ng bansa.
Sa ipinalabas na kalatas ng CBCP sa pamamagitan ng kanilang presidente na si Archbishop Socrates “Soc” Villegas, inihayag niyang maganda ang suhestiyon ni Napoles na siya ay ipa-protective custody sa CBCP ngunit hindi pinapayagan ng batas ng Simbahan na maging “guarantor” sa mga inaakusahan na lumabag sa batas sa ating bansa at ‘di rin siya tiyak kung kwalipikado ba sila sa pagkustodiya gaya ng hiling ni Napoles.
Sinabi ni Villegas, kapag pinayagan nila ang hiling ni Napoles ay gagaya na rin ang ibang akusado ng krimen, bukod sa kulang ang kanilang pasilidad.
Bukod dito, taliwas din aniya ito sa tunay na trabaho ng CBCP.
Hinikayat na lamang ni Villegas ang Simbahan at mamamayan na maging vigilant sa mga karapatan ni Ms. Napoles at dapat ang gobyerno ay irespeto rin ang mga karapatan ng mga akusado ng ano mang krimen.
(BETH JULIAN)