WALANG plano ang Malacañang na isapubliko ang 116 proyekto na tinustusan ng pondo mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP) hangga’t hindi nakabubuo ng legal na diskarte ang Palasyo makaraan ideklarang unconstitutional ng Supreme Court ang kontrobersiyal na multi-bilyong programa ng administrasyong Aquino.
Kamakalawa ay hinamon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang Malacañang na ihayag kung saan napunta ang pondo ng DAP.
Ikinatuwiran ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., na kailangan pang pag-aralan nang mabuti ng Palasyo ang implikasyon ng pasya ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP upang makapagbuo ng kaukulang hakbang bunsod na rin ng 15 araw na panahong ibinigay ang Kataas-taasang Hukuman para umapela ang Malacañang.
“Meron pang umiiral na proseso ang batas at sa aming palagay dapat ay kunin namin ang pagkakataong nasa amin sa kasalukuyan na pag-aralan muna nang masusi ang buong implikasyon ng pasya ng Korte Suprema para makapagbuo ng appropriate response, ano, and we are still well within our window of opportunity under the rules of court,” ani Coloma.
Tiniyak ni Coloma na sa takdang panahon ay ibubunyag ng Palasyo kung saan napunta ang multi-bilyong pondo ng DAP.
Ang desisyon ng SC na unconstitutional ang DAP ang naging batayan ni dating Iloilo Rep. Augusto Syjuco nang magsampa ng impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III sa Kongreso, at basehan din ng partylist groups Kabataan at Youth Act Now nang maghain ng plunder case laban kay Budget Secretary Florencio Abad.
(ROSE NOVENARIO)
Palasyo iwas-pusoy
P5.4-B DAP GINAMIT NG DAR
IWAS-PUSOY ang Palasyo sa isyu na pinayagan ni Pangulong Benigno Aquino III na gamitin ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang P5.4 bilyong pondo ng Disbursement Acceleration Program (DAP) bilang compensation sa mga panginoong maylupa (landlord), partikular ang P471 milyon para sa Hacienda Luisita Inc., ng mga Cojuangco.
“Hinihintay ko pa ang beripikasyon,” ang matipid na sagot ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., nang tanungin kung may katotohanan ang nasabing alegasyon ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Nauna nang inamin ni Abad na noong 2011, P5.4 bilyong pondo ng DAP ay ibinayad bilang compensation sa mga landlord na pinangasiwaan ng DAR.
Isiniwalat din ni DAR Secretary Virgilio delos Reyes sa isang Congressional probe na P471.5 milyon ang tinanggap ng HLI bilang “bilang just compensation” kahit pa ang halaga’y doble sa itinakda ng Korte Suprema na presyo ng 4,000 ektaryang Hacienda Luisita na isinailalim sa repormang agraryo ng gobyerno. Napaulat na kabilang din sa nabiyayaan ng P6.5 bilyong DAP funds ay ang mga mambabatas sa panahon ng impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
(ROSE NOVENARIO)