HINILING ni Atty. Jessica Lucila ”Gigi” Reyes sa Sandiganbayan Third Division na ipalipat siya sa Philippine National Police (PNP) custodial center.
Sa urgent motion to transfer detention na inihain sa pamamagitan ng abogadong si Atty. Christian Diaz, sinabing mas akmang makulong si Reyes sa PNP custodial center sa Camp Crame.
Ito ay dahil may sapat na pasilidad ang custodial center ng PNP para sa seguridad ng dating chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile.
Ikinatwiran pang nasa PNP Custodial Center din ang ibang akusado sa pork barrel cases at kung magkakasama sila roon ay hindi na masyadong malaking abala sa PNP ang pagse-secure sa kanila.
Enrile humirit ng hospital arrest
HINILING ni Senate minority leader Juan Ponce Enrile sa Sandiganbayan ang pansamantalang hospital arrest sa PNP General Hospital habang nakabinbin pa ang kanyang hirit na motion for bail kaugnay ng kasong plunder bunsod ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Ang 90-anyos na si Enrile ay dinala sa PNP General Hospital noong nakalipas na Biyernes nang pumalo sa 200/90 ang kanyang blood pressure makaraan sumuko sa Kampo Crame nang lumabas ang warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap na kaso.
Sa kanyang petition sa Sandiganbayan, idinahilan ni Enrile para siya ay isailalim sa hospital arrest ang kanyang maselan na kalusugan at edad.
Hiniling din niya sa korte na bigyan ng pahintulot ang administrator ng hospital na magkaroon ng discretion para payagan ang senador na tumungo sa ibang hospital kung kailangan para sa kanyang kalusugan.
Nabatid na umaabot sa 22 iba’t ibang gamot ang iniinom ni Enrile araw-araw dahil sa kanyang mga karamdaman.