KAHIT na nagwagi ang Meralco sa draft lottery na ginanap noong Martes, bale wala pa rin iyon para sa Bolts. Kasi hindi naman sa kanila mapupunta ang number one overall pick sa 2014 PBA Draft na gaganapin sa gosto 19 sa Robinson’s Place Mamila.
Naipamigay na nila ang pick na iyon sa Rain Or Shine Elasto Painters dalawang taon na ang nakalilipas nang kunin nila si Ronjay Buenafe.
Tsk, tsk, tsk.
Well, hindi naman Meralco ang nakakuha ng top pick kungdi ang Globalport na siyang may pinakamasagwang record sa 39th season. Matapos na pumasok sa quarterfinals ng Philippine Cup at maagang na-eliminate ang Batang Pier sa Commissioner’s at Governors’ Cup.
Inihayag na ni team owner Mikee Romero na ang kukunin nila sa darating na draft ay ang Fil-Am na si Stanley Pringle na huling naglaro sa ASEAN Basketball League.
So, ang Rain or Shine na ang susunod na pipili at napakalalim ng pool. Kung big man ang pag-uusapan ay nandiyan si Jake Pascual. Nandiyan din sina Garvo Lanete, Kevin Alas, Matthew Ganuelas at Ronald Pascual. Puwede ding mapasama sa mga aplikante ang two-time UAAP Most Valuable Player na si Bobby Ray Parks.
Kahit na anong mangyari ay tiyak na lalakas ang koponan ni coach Joseller “Yeng” Guiao.
E ang Meralco? Lalakas ba?
Papasok sa ikalimang season bilang miyembro ng PBA, aba’y tila wala pa ring liwanag na natatanaw si coach Paul Ryan Gregorio dahil hindi nag-iimprove ang kanyang line-up. Hindi siya makakuha ng dominanteng manlalaro.
Hit and miss ang nangyayari sa mga trades na pinasok ng Bolts sa nakaraang taon. At pinuputakte pa sila ng injuries.
Isang malaking milagro ang kailangan ng Meralco upang maayos ang line-up nito para sa susunod na season!
Sabrina Pascua