UMABOT sa 60 estudyante ng Parañaque National High School sa Brgy. Tambo, Parañaque City ang isinugod sa Ospital ng Parañaque at Las Piñas District Hospital dahil sa pagkahilo, sakit ng tiyan, pamamanhid ng kalamnan at hinimatay makaraan ang isinagawang earthquake drill kahapon. (JERRY SABINO)
Agad dinala sa Ospital ng Parañaque at Las Piñas District Hospital ang mga biktima matapos manghina at mawalan ng malay-tao habang nagsasagawa ng earthquake drill kasama ang mga tauhan ng Division Disaster Reach Reduction Management of Community ng Parañaque.
Sinabi ni Minelwin Serdana, principal ng nasabing paaralan sa Tambo Extension, nagsimula dakong 10:00 a.m. ang earthquake drill sa mga estudyante na nasa grade 7 at 4th year high school pero makalipas ang ilang minuto dumaing na ng pagkahilo ang mga bata at tuluyan nang nawalan ng malay.
Sinabi ni Serdana, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may mga nahimatay na estudyante sa kanilang isinasagawang earthquake drill taon-taon.
(JAJA GARCIA)