PINAKIKILOS ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang government prosecutors para kasuhan ang mga sangkot sa pagpapalabas at nakinabang sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Santiago, kasong kriminal, civil at administratibo ang maaaring isampa kina Budget Secretary Butch Abad, sinasabing may pakana sa pagpapalabas ng pondo, at mga senador at kongresistang tumanggap ng DAP na aniya’y suhol makaraan ma-convict sa impeachment trial si dating Chief Justice Renato Corona.
Kasabay nito, pinagbibitiw ni Santiago si Abad dahil sa inilabas na P1.1 billion DAP na idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema.
Habang ipinasosoli ng senadora sa mga senador at kongresista ang tinanggap na pondo kahit naipatupad na ito sa iba’t ibang proyekto.
(CYNTHIA MARTIN/NINO ACLAN)
IMPEACHMENT VS PNOY MALABO – HOUSE LEADERS
AGAD sinupla ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kamara ang mga bantang ipa-impeach si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kasunod ng pagdeklarang unconstitutional ang disbursement acceleration program (DAP).
Nagkakaisa sina House Speaker Feliciano Belmonte, Marikina City Rep. Miro Quimbo, Akbayan party-list Rep. Walden Bello, Quezon City Rep. Winston Castelo, at Eastern Samar Rep. Ben Evardone, malabong magtagumpay ang ano mang balak na ihaing impeachment complaint laban sa Pangulo.
Ayon kina Belmonte at Quimbo, hindi pwede ang impeachment sa Pangulo dahil sa DAP dahil isinakatuparan ang programang ito nang may malinis at sinserong intensiyon.
Paliwanag ni Quimbo, kahit deklaradong unconstitutional ang DAP ay hindi pa rin ito pasok sa ground na culpable violation of the constitution na nangangahulugang intensyonal, lantaran at lubhang mabigat na paglabag.