MARAMI pang kakulangan ng prosecutors o fiscal sa ating bansa, ito ang muling hinaing ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima.
Sinabi ng kalihim, nangangailangan ngayon ang departamento ng mahigit sa 500 fiscals upang makompleto ang mga bakanteng pwesto sa mga probinsiya.
Ngunit agad niyang nilinaw na sapat ang mga prosecutor sa Metro Manila.
Aminado ang kalihim na walang kumukuha ng prosecutorial positions lalong lalo na sa ilang lugar sa Mindanao, gaya sa Sulu na ang mga nakaupong fiscal ay mula sa Zamboanga.
Dagdag pa ni De Lima, matagal ang proseso sa pagpili ng Selection and Promotion Board kung sino ang mapabibilang sa listahan na siyang ipapasa sa kanya at isusumite kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na siyang appointing officer ng mga prosecutor sa buong bansa.