INUTASAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang posibilidad na cartel ang nasa likod ng paglobo ng presyo ng bigas.
“Inatasan natin ang NBI (na) makipagtulungan sa PNP na talagang siyasatin nang masinsinan itong posibilidad na may mga tinatawag na cartel, at magsampa ng kaukulang kaso dahil kahapon meron mga binabanggit na specific na crimes na pwedeng na-violate,” ayon sa Pangulo sa media interview sa Iloilo City kahapon hinggil sa napagkasunduan sa food security and price monitoring meeting sa Palasyo kamakalawa.
Kabilang din sa napagkasunduan sa pulong ang pag-angkat ng National Food Authority (NFA) ng karagdagang 200 metric tons ng bigas sa Vietnam.
“So ulitin ko lang, nag-i-import ho tayo para kung meron ngang magsasamantala ‘yung itatago nila ‘yung kanilang supply may pampalit tayo doon at siguraduhin nating malulugi sila sa ginawa nila,” sabi ng Pangulo patungkol sa rice cartel.
Deputized na aniya ng NFA ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para i-monitor at mag-inspeksyon sa mga bodega ng bigas na maaaring pinag-iimbakan ng mga itinagong NFA rice at makipagtulungan sa Department of Justice (DoJ) sa pagsasampa ng kaso sa mga mapagsamantalang negosyante.
Inatasan din ng Pangulo si Food security czar Francis Pangilinan na doblehin ang pagpapakalat sa pamilihan ng NFA rice na may presyong P32 at P27 kada kilo hanggang Setyembre.
(ROSE NOVENARIO)