INAABANGAN ng Malacañang maging ng oposisyon ang major announcement ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa susunod na linggo na sinasabing may kinalaman sa 2016 presidential elections.
Nauna rito, lumabas ang haka-haka na maaaring bitbitin ng Liberal Party (LP) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang standard bearer si Santiago dahil hanggang sa ngayong ay wala pang direktang tinutukoy ang administration party kung sino ang magiging manok nila sa darating na halalan.
Bagama’t alam ng nakararami na si DILG Sec. Mar Roxas ang kaisa-isang presidential bet ng Malacañang.
Ngunit ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, United Nationalist Alliance (UNA) secretary general, hindi masabi-sabi nang diretsahan ng Malacañang kung sino ang kanilang magiging standard bearer kaya’t lumalabas na may problema sila kung si Roxas ang magiging manok nila.
Gayon man, hindi masabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma kung may posibilidad na gawing manok ni Pangulong Aquino si Sen. Santiago sa 2016 elections, sa halip ay sinabing nakatutok ang administrasyon ngayon sa pagpapatupad ng mga reporma at proyekto sa pamahalaan.
(HATAW News Team)