DAGUPAN CITY – Inaasahang makababalik na sa kanilang mga pamilya ang 32 mangingisda mula sa Wawa, Nasugbu, Batangas na nasiraan ng bangka habang papunta sa Mindoro.
Ito ay nang masagip makaraan ang walong araw na pananatili sa gitna ng karagatan sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.
Ayon kay Fred Castello, pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Bolinao, nakipag-ugnayan na sila sa kanilang counterpart sa Nasugbu at inaasahang darating ang ipinadalang sasakyan para sa pag-uwi ng mga biktima.
Tiniyak din niya na maayos ang kalagayan ng mga mangingisda makaraan silang isailalim sa medical check-up sa pangunguna ng boat captain na si Glen Abong, at mga kasamang sina Jardel Mendoza, Stanley Bolante, Enesito Bensorte, Oliver Orbon, Victorio Laborte, Alfred Pilayo, Edward Quiño, Nila Moncal, Regan Villegas, Rodney Villegas, Jerick Quaton, Jorge Aplasador, Alvin Uson, Dioscoro Villegas, Rico Dacay, Rodel Abong, Satur Balasabas, Dexter Abas, Francis Daez, Joedick Salastre, Jeffrey Balasabas, Ruel Roxas, Rodemer Mendoza, Felix Dasello, Jerome Lagaspina, Larry Cerafino, Tirso Nidia, Norwes Gadayan, Edwin Nacion, Sucimo Sioco, at Alu Bubule.
Una rito, walong araw na nagpalutang-lutang sa karagatan ang mga mangingisda na pumalaot noong Hunyo 15, ngunit kinabukasan ay nasira ang makina ng kanilang bangka dahilan ng pagkapadpad sa bahagi ng Pangasinan bunsod nang malakas na hampas ng alon sa karagatan.