PLANO ng Quezon City government, kaakibat ang Department of Agriculture (DA) na madala ang prime commodities direkta sa consumers upang matugunan ang pabagu-bago at hindi pangkaraniwang pagmahal ng presyo ng mga produkto.
Ito ay bilang tugon sa adhikain para sa implementasyon ng Farmer-to Consumer program sa pulong ng Local Price Coordinating Council (QCPCC) na pinangunahan ni Acting Mayor Joy Belmonte para sa proteksyon mula sa mga abusadong negosyante sa lungsod.
Tuturuan din ang mga negosyante ng bawang, sibuyas, bigas at mga agricultural products para matiyak ang malaking kita ng local producers.
Layunin ng DA at Department of Trade and Industry (DTI) na makipagtulungan sa City’s Barangay Operations Center, Market Development and Administration Department para matukoy ang lugar sa Lungsod na direktang dadalhin ng mga commodities kung sa City Hall, mga barangay o sa pamamagitan ng rolling stores.
Habang ang City Treasurer’s Office kasama ang tanggapan ng MDAD ay nagkasundo na magsasagawa ng pagsalakay laban sa mga business establishments na gumagamit ng depektibong ‘di lisensyadong timbangan.
Una nang iniulat ni Assistant Treasurer Arvin Gotladera na nakakompiska sila ng mahigit 100 iligal na timbangan nitong nakalipas na Linggo at isinulong ni DTI Undersecretary Victorio Mario Dimagiba ang updating ng Price Monitoring Boards sa public at private markets para sa mga mamimili hinggil sa iginiit na ratail price ng mga paninda.
(MON ESTABAYA)