PIPILITIN ng kampo ni Sen. Juan Ponce-Enrile na maharang ang pagpapalabas ng warrant of arrest ng Sandiganbayan para kay Enrile kaugnay sa kinakaharap na plunder case bunsod ng pork barrel scam.
Ang kaso ni Enrile ay nasa sala ni Sandiganbayan Associate Justice Samuel Martires at kasalukuyang inaaral kung may probable cause.
Ayon kay Atty. Estelito Mendoza, walang basehan para ipaaresto si Enrile dahil hindi pa nabibigyan ng pagkakataon ang kanyang kliyente na malaman ang buong impormasyon at kung ano ang ipinararatang sa kanya.
Sinabi ni Mendoza, dapat mabasa muna ng Sandiganbayan justices ang lahat ng 11,000 documents para malaman kung may probable cause.
Sa ngayon, kung pagbabasehan ang inihaing impormasyon ng Ombudsman, hindi malinaw kung bakit idinedemanda si Enrile ng plunder kaugnay sa sinasabing pagkulimbat ng P172 million kickback mula sa pork barrel scam.
Kailangan pa aniyang tukuyin sa mga dokumento kung alin doon ang pinakamabigat na dahilan para arestuhin si Enrile.
Naniniwala rin si Mendoza na hearsay lahat ng mga paratang ng whistleblowers at hindi maaring gamitin ang ‘logbook’ ni Benhur Luy na maaaring fabricated lamang.
“Hindi pa pinag-usapan ‘yung bail. Pinag-uusapan muna na hindi karapat-dapat mag-isyu ng warrant of arrest sapagkat ‘yung information eh hindi kinikilala, hindi tinutupad ang requirement sa Saligang Batas, ‘yung requirement na kailangan ‘yung information informs the accused of the nature and cause of the accusation against him. Eh ngayon kung babasahin ang information, hindi pa malinaw kung bakit nila idinedemanda si Sen. Enrile,” ani Mendoza. (CYNTHIA MARTIN)