NANANATILI pa ring pangunahing problema sa bansa ang forced labor at sex trafficking sa mga kalalakihan, kababaihan at mga bata, ayon sa Estados Unidos.
Inihayag ni Secretary of State John F. Kerry, aabot sa 20 milyon ang biktima ng nasabing krimen sa buong mundo, habang 44,000 lamang na survivors ang nabigyang pansin.
Sa Filipinas na nabibilang pa rin sa tinatawag na Tier 2 ng Amerika, nakasaad na dahil sa mga kalamidad na nangyayari, napipilitan ang mga kabataan sa rural communities na pwersahang magtrabaho sa maliliit na pabrika, at ang nakababahala anila ay ang pagkakaroon ng sex trafficking sa mga lugar sa Manila, Cebu, Angeles, at siyudad sa Mindanao.
Bukod dito, nagaganap din ang nasabing krimen sa urban areas at tourist destinations gaya ng Boracay, Olongapo, Puerta Galera at Surigao.
Dumarami rin ang nagiging biktima ng cybersex na nagpapabayad kapalit ng pagpapakita ng kanilang katawan sa foreign viewers.
Ang pagdami ng nasabing kaso ay dahil na rin sa kakulangan ng ideya ng mga opisyales ng gobyerno lalo na sa local level kung paano idetermina ang isang kaso.
Habang napag-alaman na ang corrupt officials sa gobyerno at law enforcers ay tumatanggap din ng bayad o sexual service sa establishments kapag nagpatupad ng raid.
Lumalabas din sa report na nagpapatupad ang mga pulis ng indiscriminate o fake raids sa commercial sex establishments kapalit ng suhol mula sa managers, clients, at mga biktima sa sex trade.
Dahil dito gumagawa ng hakbang ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para masolusyunan ang nasabing problema.