SUMUKO sa Sandiganbayan si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kahapon.
Ito’y makaraan maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan First Division laban kay Revilla at 32 iba pang mga akusado.
Ang senador ay nahaharap sa kasong plunder at graft dahil sa pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Kasama ni Revilla ang kanyang maybahay na si Rep. Lani Mercado, mga anak at mga apo.
Pagbaba ni Revilla sa kanyang sasakyan nang dumating ng Sandiganbayan, agad siyang kinuyog ng media at ilang mga supporter kabilang ang mga usyosero.
Ipinasok agad si Revilla sa sheriff’s office sa Sandiganbayan para sa booking process.
Ilang sandali lang makaraan mailabas ang arrest warrant ay tumulak agad ang grupo ni Revilla patungong Sandiganbayan.
Dumaan muna ang pamilya Revilla sa Imus church para magdasal.
Dakong umaga nang lagdaan ni Sandiganbayan Justice Efren dela Cruz ang arrest warrant laban kina Revilla.
Ito ay kasunod ng desisyon ng First Division ng anti-graft court na may probable cause ang kasong plunder at graft laban kay Revilla.
(NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)
BOOKING GINAWA SA CRAME
MAKARAAN isailalim sa booking procedure sa Sheriff’s Office sa Sandiganbayan, ibiniyahe si Senador Bong Revilla patungong Kampo Crame para isailalim din sa booking process bago ikinulong sa PNP Custodial Center.
Mula sa Sandiganbayan, isinakay si Revilla sa sasakyan ng PNP-CIDG at dinala ang senador sa Kampo Crame.
Habang nakasunod din sa convoy ng CIDG ang sasakyan ng pamilya Revilla lulan ang maybahay niyang si Lani Mercado at ang kanyang mga anak.
‘PIANO,’ MAG SHOT ILALABAS
SA booking process sa Camp Crame, kinunan ng fingerprints at mugshots si Sen. Bong Revilla.
Sinabi ni PNP spokesman, ChiefSupt. Reuben Theodore Sindac, pagdating sa Camp Crame, agad isinailalim sa medical examination ang senador.
Ayon kay Sindac, kanilang ilalabas ang mug shot ng senador kapag mayroon nang clearance mula sa korte.
PIYANSA INIHIRIT
NAGHAIN ng mosyon para makapagpiyansa si Sen. Ramon “Bong” Revilla.
Ito ay kasunod ng kanyang pagsuko kahapon sa Sandiganbayan makaraan magpalabas ng arrest warrant ang anti-graft court.
Sinabi ng abogado ni Revilla na si Atty. Joel Bodegon, bukod sa hiling na makapagpiyansa, humirit din sila sa Sandiganbayan na ikulong ang senador sa Camp Crame.
Samantala, itinakda ng Sandiganbayan First Division sa Hunyo 26 ang pagbasa ng sakdal kay Revilla.
SECURITY ADJUSTMENT SA CRAME INIUTOS
NAGPATUPAD ang pambansang pulisya ng security adjustment nang sa gayon ay ma-accomodate ang mga miyembro ng PNP-CIDG na inatasan ng Sandiganbayan na magbantay sa nakakulong na si Senador Bong Revilla.
Si Revilla ay ikinulong sa PNP-Custodial Center sa kampo Crame.
Ayon kay PNP-PIO, C/Supt. Reuben Theodore Sindac, tumatalima lamang sila sa ipinag-utos ng Sandiganbayan kung kaya’t sila mismo ay gumawa ng internal arrangement para mai-accomodate at mai-attached sa PNP Custodial Center ang mga personnel ng CIDG.
Ngunit iginiit ni Sindac na nagbigay na sila ng comment sa Sandiganbayan at sinasabing walang kakayahan ang CIDG na magbantay ng high profile detainee.