INAMIN ng Palasyo na ang pagkatuklas na isa sa mga nominado bilang Associate Justice ng Sandiganbayan ay protégé ni Sen. Juan Ponce-Enrile, ang dahilan kaya ipinarerepaso ni Pangulong Benigno Aquino III ang isinumiteng listahan sa kanya ng Judicial and Bar Council (JBC).
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hiniling ng Pangulo sa JBC na repasuhin ang isinumiteng listahan ng mga nominadong Associate Justice makaraan mabatid na ang nominadong si Quezon City RTC Brach 97 Judge Bernelito Fernandez ay inendoso ni Enrile, isa sa mga akusado sa P10-B pork barrel scam.
“Siguro sa parte naman ng Pangulo, nag-doble ingat lang din considering na iyong posisyon na ito, isa siya doon sa mga posibleng humawak doon sa mga PDAF cases,” ani Valte.
Sa kanyang liham kay Pangulong Aquino noong Hunyo 5, 2012 ay inendoso ni Enrile si Hernandez na maitalaga bilang associate justice sa Sandiganbayan.
Habang sa sulat kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kamakalawa ay hiniling ni Executive Secretary Paquito Ochoa na repasuhin ang JBC list at maglagay ng mga dagdag na impormasyon hinggil sa mga nominado upang malaman ng Pangulo kung may nakaraan o kasalukuyang ugnayan sa mga mambabatas na sangkot sa pork barrel scam.
(ROSE NOVENARIO)