Patuloy na nambibiktima ng mga dayuhan ang isang dorobong dating pulis- Maynila na wanted sa serye ng kasong robbery at usurpation of authority sa Maynila.
Ayon kay PO3 Jayjay Jacob, imbestigador ng Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS), nakasuot pa rin ng kanyang police uniform kapag nambibiktima ng mga dayuhan si ex-PO1 Reggie Dominguez, 32, ng 1228 Mataas na Lupa St. Paco, Maynila at dating nakatalaga sa Manila Police District-Police Station 9.
Nabatid na si Dominguez ay positibong kinilala ng kanyang pinakahuling biktima na si Nobuo Yamazaki, 74, ng 205 Pearl Lane, Malate, Maynila.
Sa reklamo ng biktima, umiinom siya ng beer sa labas ng convenience store sa J.Bocobo, cor. Malvar Sts., Malate, Maynila dakong 11:30 pm noong Hunyo 17 nang sitahin ng suspek na nakasuot ng PNP uniform.
Sa kwento ng biktima, sinita siya ni Dominguez at sinabing bawal uminom sa labas.
Isinakay ni Dominguez ang biktima sa isang nakaparadang Toyora Revo-XLX-636 at doon kinuha ang kanyang JY 30,000 at P6,000 cash bago pinababa ang biktima.
“Dismissed police na siya dahil maraming kaso pero hanggang ngayon patuloy na tumitira, hindi lang naming matiyempo-tiyempuhan”, ayon kay Jacob.
Sa MPD-GAS, positibong kinilala ng biktima sa police picture gallery ang suspek na siyang humuli at kumuha ng kanyang pera.
Nakatakdang sampahan ng kasong robbery at usurpation of authority sa Manila Prosecutor Office (MPO) ang suspek.
(LEONARD BASILIO)