SAPILITAN nang ipinalilikas ang mga Filipino sa bansang Iraq.
Ito ang laman ng bagong abiso ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon kasunod ng lumulubhang kaguluhan sa nasabing bansa.
Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, ipinaiiral na ngayon ang crisis alert level 4 base na rin sa rekomendasyon ng mga kinatawan ng Filipinas sa Iraq.
Sa ngayon ay nasa 900 Filipino ang nananatili sa Iraq bilang overseas Filipino workers (OFW).
Gayunman, nilinaw ng DFA na karamihan ng mga Filipino ay nasa Kurdistan region na hindi gaanong malubha ang mga karahasan.
Nag-ugat ang krisis sa Iraq nang sumalakay ang Islamist militants at agad nakubkob ang malaking Lungsod ng Mosul, Tikrit na hometown ng dating lider na si Saddam Hussein, at iba pang mga bayan at probinsya.