NAGBABALA ang Palasyo na ipakukulong ang mga mapagsamantalang maliliit na manininda na magpapatong nang malaki sa presyo ng pangunahing mga bilihin gaya ng bigas, bawang, luya at asukal.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., seryoso ang administrasyong Aquino na tugisin at panagutin ang “profiteers” dahil halaga ng batayang pagkain ng pamilyang Filipino ang kanilang pinagsasamantalahan.
“Kaya nga magpupulong ‘yung National Price Coordinating Council. Kasama sa kanilang tungkulin ay pigilin ‘yung profiteering at the retail level, ano, at mayroong mga kaukulang penalties para diyan including pagkakulong. Sana ay huwag naman humantong diyan kaya nga tinitingnan muna ‘yung sitwasyon,” ani Coloma.
Isa aniya sa mga opsyon na pag-aaralan ng NPCC ay ang mag-isyu ng suggested retail price (SRP) sa mga produktong agricultural na biglang lumobo ang presyo.
Batay aniya sa pag-monitor ng Department of Agriculture (DA), may sapat na supply sa lokal na bawang ang bansa na hanggang noong nakalipas na Marso ay umabot sa 8,308 metriko tonelada, kaya inaalam ng kagawaran kung ang shortage ay artipisyal.
Napaulat na ang biglang paglobo ng presyo ng bawang, bigas at luya ay kagagawan ng rice cartel na dati nang nabulgar na protektado ng ilang opisyal ng gobyerno. (ROSE NOVENARIO)