MALAMIG ang Malacañang sa hirit na dagdag sweldo sa mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, ipinauubaya nila sa Regional Tripartie Wages and Productivity board ang pag-aaral at pag-apruba sa wage hike.
Ayon kay Coloma, sa ilalim ng umiiral na batas, kailangan ng supervening events para magtaas ng sweldo.
Inihayag ni Coloma, hindi pa maituturing na supervening events ang nangyayaring artificial na pagtaas ng presyo ng bigas, bawang, luya at iba pa.
“Ayon po sa batas, mayroong umiiral na proseso sa pagturing at pag-aaral kung magiging makatwiran ang pagtataas ng sweldo, at ang ating proseso dito ay ‘yung pagkakaroon ng regional wage boards na isinasaalang-alang ang iba’t ibang kondisyong umiiral sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Kaya hintayin po natin na umiral itong proseso ng regional wage boards. Tinututukan naman po ‘yan ng ating mga awtoridad,” ani Coloma.
Tiniyak ni Coloma na prayoridad ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagpapanatili ng monetary stability para maibsan ang epekto ng inflation rate sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)