NAILIGTAS ng pinagsanib na pwersa ng Anti-Transnational Crime Unit (ACTU) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department of Social and Welfare Development (DSWD) ng Pasay City, ang 70 kababaihan, 35 sa kanila ay mga menor de edad, nang salakayin ang isang recruitment agency sa naturang lungsod kamakalawa ng gabi.
Sa report na natanggap ng DSWD, Pasay City, galing sa Midsayap at Cotabato, Mindanao ang mga kababaihan na nagbabakasakaling makakuha ng trabaho bilang domestic helper (DH) patungong Saudi Arabia upang makatulong sa kanilang pamilya.
Ayon kay Sr. Supt. John Gano Guyguyon, hepe ng ACTU, hindi naaayon sa batas ang ginagawa ng Happy World Human Resource and Recruitment Agency, na pag-aari ng isang alias Ash Raf, isang Sudan national, sa mga kababaihan dahil minamaltrato sila.
Kinukuha aniya ang kanilang mga cellphone, inaalis ang ano mang paraan ng komunikasyon upang hindi sila makakontak sa kanilang kaanak, at isang tasang kanin lamang at walang ulam ang ipinakakain sa kanila sa maghapon.
Binaklas aniya ang kanilang pasaporte at pinalitan ang kanilang pangalan at edad upang hindi malaman na sila ay menor de edad.
Batay sa pulisya, ang naturang employer ay sasampahan ng mga kasong illegal recruitment, swindling at human trafficking.
Sa record ng pulisya, paso na ang permit sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng naturang recruitment agency noo pang Pebrero 2013.
Ang mga biktima ay nasa kustodya na ng DSWD-NCR at sasailalim muna sa counseling bago ibalik sa kanilang mga magulang at tutulungan na makauwi sa kanilang mga probinsya.
(JAJA GARCIA)