INAMIN ni Senador Antonio Trillanes IV na kumunsulta na sa kanya si Senador Ramon Revilla, Jr., ukol sa buhay sa loob ng kulungan ng isang bilanggo.
Magugunitang si Trillanes ay minsan nang nakulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center bunsod ng kudeta laban sa administrasyon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Trillanes, sinabi niya kay Revilla, sa simula ay kailangang mag-adjust dahil iba ang buhay sa loob ngunit sa kalaunan ay masasanay rin siya.
Payo ni Trillanes kay Revilla, madali lamang ang buhay sa loob ng kulungan, ang kailangan lamang ay i-enjoy ang iyong sarili.
Si Revilla ay nakulong na ngunit hindi sa totoong buhay kundi sa mga pelikula lamang na kanyang pinagbidahan noon.
Umaasa si Trillanes na tulad niya ay malalampasan din ni Revilla ang lahat ng pagsubok sa kanyang buhay bilang isang akusado.
Nanawagan din si Trillanes sa korte na igalang ang karapatan ng bawat akusado at sundin ang tamang proseso ng batas sa pagdinig ng kaso ng mga akusado sa pork barrel funds scam.
Samantala, inihayag Revilla na handa na siyang maaresto at makulong ano mang araw.
“Talagang ganun e, so nakahanda na rin ang kalooban natin diyan kung kelan nila tayo riyan ipapasok. So anytime, I’m ready… Sa akin, kahit saan nila gustong dalhin. Haharapin ko ang kasong ito,” pahayag ni Revilla.
Nagawa pang magbiro ni Revilla kaugnay sa inihandang detention cell ng PNP para sa mga akusado.
“Ayoko na tingnan kung saan ako makukulong dahil kapag nakulong ako, baka makabisado ko lahat ng corners niyan,” aniya.
(NIÑO ACLAN)