TAMBAK na kaso ang kinakaharap ng isang ama makaraan ipatuklaw sa ahas, paluin ng buckle ng sinturon batuhin ng martilyo at paputukan ng baril ang kanyang 8-anyos anak na lalaki sa Binangonan, Rizal.
Sa ulat na tinanggap ni S/Supt. Bernabe Balba, Rizal PNP Provincial Director, kinilala ang naarestong ama na si Gerardo Atabo Pampilo, 45, nakatira sa Blk-28, Lot-16, Phase-1B, Mabuhay Homes, Brgy. Pantok ng nabanggit na bayan.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen dakong 4 a.m. sa loob ng kanilang bahay kamakalawa.
Sinasabing ubos-lakas na hinampas ng buckle ng sinturon ng suspek ang anak na itinago sa pangalang Buknoy at binato ng martilyo sa mukha.
Hindi pa nasiyahan, pinadapa at pinagpapalo ng sinturon ang buong katawan at saka ipinatuklaw sa alaga niyang ahas.
Pagkaraan ay kinuha ang kanyang baril at ilang ulit na ipinaputok sa itaas na naging dahilan upang himatayin sa matinding takot ang paslit.
Nang mahimasmasan ay humingi ng saklolo ang biktima sa barangay hall at kay Chief Insp. Bartolome Marigondon.
Itinuro rin ng bata sa mga awtoridad ang pinagtataguan ng mga baril ng ama sa kanilang bahay.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad dakong 10 p.m. naaresto ang suspek at nakompiska ang iba’t ibang uri ng baril.
Bukod sa kasong child abuse, sasampahan din ang suspek ng kasong illegal possession of firearms and ammunitions.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang biktima.
ni ED MORENO