HINIKAYAT ng Palasyo ang publiko na magtiis mula sa napakataas na presyo ng bigas, bawang at luya dahil wala silang magagawa para kontrolin ito sa idinidikta ng “market forces.”
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., tinututukan ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng bigas na ang pagtaas ay dulot ng mababang supply at inaasahang magiging matatag ang supply kapag dumating ang inangkat sa ibang bansa sa susunod pa na dalawang buwan.
Habang ang paglobo ng halaga ng luya at bawang, ani Coloma, ay maaaring sa sitwasyon ng “law of supply and demand” o maaaring kulang ang mga produkto sa pamilihan sa pangangailan ng mga mamamayan.
Walang binanggit si Coloma na ipatutupad na hakbang ng pamahalaan hinggil sa isyu at hihintayin pa aniya ng Malacañang ang ulat ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa biglang pagtaas ng presyo ng nasabing pangunahing mga bilihin.
TAAS PRESYO NG BIGAS IMBESTIGAHAN – BAYAN MUNA
HINILING ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa House of Representatives na imbestigahan ang biglang pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.
Mariing kinuwestiyon ni Colmenares ang pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng milyong metric tons ng imported rice nitong Enero hanggang Abril na stock para sa lean months.
Hindi rin makapagbigay ng pahayag ang National Food Authority (NFA) kung kailan ulit bababa ang presyo ng bigas dahil apektado pa rin ang bansa ng mahabang El Niño.
Kamakalawa, tiniyak ng Malacañang sa publiko na pansamantala lang ang P2.00 na taas sa bawat kilo ng bigas.
ni ROSE NOVENARIO