KRITIKAL ang tatlo katao nang saksakin at barilin ng kanilang kainoman dahil sa sinasabing dayaan sa tagay sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang nakaratay sa Ospital ng Maynila sina Richard Dela Passion, 19, ng 2242 Gonzalo St., Malate, Maynila, sinaksak ng suspek na si Melvin Pilapil alyas Bilog.
Habang binaril ng suspek ang mga biktimang sina Jonathan Adres, 22, ng Arellano St., Malate, Maynila, at Eduardo Ferrer, 36, ng 1171 Arellano St., Malate, Maynila.
Ayon kay PO2 Joseph Montillo ng MPD Station 9, dakong 1:10 a.m. naganap ang insidente sa San Isidro St., kanto ng F. Muñoz St., Malate.
Nag-iinoman ang mga biktima at ang suspek ngunit nang malasing ay hindi na magkaintindahan sa tagayan kaya biglang nagkagulo.
Pagkaraan ay bumulagtang duguan at sugatan ang mga biktima habang mabilis na tumakas ang suspek.
(LEONARD BASILIO)