DETERMINADO ang Rain or Shine na lalong maging malakas sa mga susunod pang season ng PBA.
Hawak ng Elasto Painters ang first round draft pick ng Meralco ngayong taong ito at malaki ang posibilidad na sila ang hahawak ng unang pick sa nasabing draft depende sa resulta ng loterya nito kalaban ang Globalport.
Sinabi ng team owner ng ROS na si Raymond Yu na walang balak ang Painters na itapon ang nasabing draft pick dahil maraming mga magagaling na amatyur ang inaasahang papasok sa draft tulad nina Kevin Alas, Garvo Lanete, Stanley Pringle, Chris Banchero, Matt Ganuelas at marami pang iba.
Sa huling dalawang drafts ay sinuwerte ang Rain or Shine sa pagkuha ng ilang mga magagaling na manlalaro tulad nina Paul Lee, Raymond Almazan, Chris Tiu, Jeric Teng at Alex Nuyles.
“Lumalabas kasi dun laging pandagdag sa trade ‘yung (mga draft) picks, nagkataon magaganda ang pool,” wika ni Yu.
“Kukunin namin syempre kung sino ang maganda na aabutin. Si coach Yeng (Guiao) naman ang may desisyon ng lahat dyan, alam niya ang gagawin,” dagdag ni Painters team manager Boy Lapid. “Kaya sana pumasok yung Parks at Pringle. Pero ang maganda dyan may mga Gilas cadets pa.”
(James Ty III)