NAGKAKAROON na ng linaw sa posibleng motibo ng pagpatay sa Filipino car racing champion na si Ferdinand “Enzo” Pastor.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director C/Supt. Richard Albano, malaki ang paniwala ng pulisya na ang pagiging car racer ni Pastor ang dahilan ng pamamaslang bagama’t hindi isinaisantabi ang personal na motibo.
May hawak nang testigo ang pulisya sa pagbaril kay Pastor at nasa posisyon na ang CCTV footage na kuha bago at pagkatapos ng pamamaril kasabay ng pakikipag-ugnayan ng pamilya nito.
Sa ulat ng pulisya, papuntang Clark, Pampanga si Pastor para sa final leg ng Asian V8 Championships sakay ng Elf truck nang barilin sa panulukan ng Congressional at Visayas Avenue, sa Quezon City noong Huwebes ng gabi.
Ang labi ni Pastor ay nai-cremate na kahapon.
Si Pastor ang kauna-unahang Filipino na nakasali sa NASCAR Whelen Euroseries Open Championship race circuit sa TFT-Alpes Carrelage team at ikaanim sa nasabing torneo noong 2013.
Habang nakuha naman niya ang ikaapat na pwesto noong Abril sa Euro-NASCAR series sa Nogaro, France.