NAWALAN ng importanteng player si San Beda College Red Lions coach Boyet Fernandez subalit naniniwala pa rin ito na makakaya pa rin nilang magkampeon sa 90th NCAA basketball tournament.
Pinaghahandaan na ng ibang teams ang four-time defending champions Red Lions na inaasam ang five-peat sa pagbubukas ng nasabing torneo sa Hunyo 28 sa MOA Arena sa Pasay City.
“So far, so good. The team is in good shape entering the NCAA season,” wika ni Fernandez sa kanyang koponan na tumapos ng second place sa Filoil Flying V Hanes Premier Cup preseason.
Tapos na ang five playing years ni Red Lion skipper Romeo Dela Rosa subalit may ipaparadang bagong mukha ang San Beda para makatulong sa mga starters ni Fernandez na sina Nigerian center Ola Adeogun, Baser Amer, Arthur dela Cruz at Kyle Pascual.
Sina Ranbill Tongco at Jayvee Mocon ang rookie players ng Mendiola-based SBC na galing sa kanilang high school program.
Tiwala ang mga Red Lions veteran players na malaki ang maitutulong nina Tongco at Mocon para mahagip ang pang-limang sunod na titulo at pang-walo sa huling siyam na season.
Si Tongco ang puwedeng humalili kay Amer bilang point guard habang si Mocon ay small forward na puwedeng magbigay ng sakit ng ulo sa mga kalaban dahil sa kanyang three-point shooting.
“San Beda has always been a team that gets everything done with defense. Our offense is our defense,” ani Fernandez.
Ayon kay Fernandez nakahanap na siya na puwedeng maglaro sa puwesto ni Dela Rosa ito ay ang gumagaling ni si Anthony Semerad.
“We need a player to fill the void left by Rome (dela Rosa ) and I think Anthony (Semerad) is doing it,” sabi ni Fernandez.
May isang laro na kung saan ay si Semerad ang bumuhat sa Red Lions, ito ay noong bumira siya ng 22 puntos kasama ang apat na tres upang sakmalin ang National U, 88-81. (ARABELA PRINCESS DAWA)