INIREKOMENDA niJustice Undersecretary Francisco Baraan III ang pagsibak sa ilang mga doktor sa New Bilibid Prisons (NBP) hospital bunsod ng siyam “questionable” outside referrals na kanilang ginawa para sa high-profile inmates sa loob lamang ng dalawang linggo nang walang clearance mula kay Justice Secretary Leila De Lima.
Sinabi ni De Lima, ang rekomendasyon ay bahagi ng initial report ni Baraan kaugnay sa kontrobersiya ng sinasabing special treatment na ibinibigay sa NBP high-profile inmates.
Nauna rito, inimbestigahan ni Baraan, Undersecretary-in-charge ng Bureau of Corrections (BuCor), ang private hospitalization ng NBP inmates na sina Ricardo Camata, convicted druglord; Amin Buratong, convicted druglord; at Herbert Colangco, lider ng bank robbery gang noong Mayo.
Ang tatlong preso ay pawang binigyan ng “emergency referrals” sa private hospitals sa labas ng NBP nang walang clearance ni De Lima.
Si Camata, lider ng Sigue Sigue Sputnik gang sa NBP, ay napag-alaman na binisita sa ospital ng isang starlet na si Krista Miller at dalawa pang female entertainers sa dalawang magkahiwalay na okasyon. (HNT)