MAHIGIT 85,000 faculty members ang mawawalan ng trabaho sa pagsisimula ng 2016 kapag ipinatupad na ang dalawang dagdag na taon sa high school, ayon sa grupo ng Council of Teachers and Staff of Colleges and Universities.
“Ang sinasabi nga namin, wala talagang mag-eenroll sa first year college (sa 2016), dahil ‘yung fourth year (high school) mag-e-enroll na sila sa Grade 11. Pagdating ng 2017-2018, wala rin enrollment sa first year (college) at wala rin enrollment sa second year,” pahayag ni Professor Rene Tadle, internal vice president ng University of Santo Tomas (UST) Faculty Union kahapon.
Sa ilalim ng enhanced basic education program ng Department of Education o ang tinaguriang K to 12 or Kindergarten plus Grades 1-12, ang mga mag-aaral ay dapat sumailalim sa kindergarten, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school at dalawang taon sa senior high school.
Ang implementasyon ng universal kindergarten ay nagsimula noong school year 2011-2012, kasunod ng bagong curriculum para sa Grade 7 noong school year 2012-2013.
Sa school year 2016-2017 ang nationwide implementation ng Grade 11 curriculum, na susundan ng Grade 12 curriculum sa school year 2017-2018.
Sinabi ni Tagle, base sa kanilang pagtataya, ang mga unibersidad at kolehiyo ay mawawalan ng 500,000 freshman college enrollees at mahigit 300,000 sophomore college enrollees kapag ipinatupad ang senior high school program sa 2016.
Samantala, sinabi ni Flordeliza Abanto, full-time professor sa St. Scholastica’s College sa Manila, sa ngayon pa lamang ay inianunsyo na ng kanilang paaralan ang mandatory early separation program para sa mga professor bilang paghahanda sa mababawasang enrollment sa 2016.
“Ako po ay nasa professional course. Majors po ‘yung tinuturuan namin, hindi ho general education. E pati po kami ay mare-retrench. Walang maiiwan na full-time faculty teacher sa isang kolehiyong ito. Kami pong lahat matatanggal,” pahayag ni Abanto.
287 PRIBADONG KOLEHIYO PINAYAGAN SA TUITION HIKE
UMAABOT sa 287 private colleges and universities sa buong bansa ang binigyan ng pinahintulot ng Commission on Higher Education (CHEd) para magtaas ng tuition fees at iba pang school fees para sa 2014-2015 school year.
Ayon sa CHEd, 345 o 20% ng 1,683 private school ang nag-aaply para sa tuition fee hikes ngayon taon ngunit 287 o may kabuuang 17% lamang ang pumasa.
Higit na mas mababa rin ang bilang ng mga pinayagan ng komisyon kaysa nakalipas na mga taon.
Ayon sa CHEd, ang pinayagan lamang na pagtaas sa tuition fee sa buong bansa kada isang unit ay P35.66 o 8.13 percent habang ang iba pang school fees ay nasa P141.55 o 7.97 percent.
(MIKKO BAYLON)