DETERMINADO si Senate President Franklin Drilon na sa kalaunan ay magiging malaya ang Senado sa kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinasasangkutan kabilang sa usapin ng maanomalyang paggamit ng mga miyembro nito ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Kasabay ng kanyang pangunguna sa paggunita ng ika-116 anibersaryo ng kalayaan ng bansa sa Pinaglabanan Shrine sa lungsod ng San Juan, sinabi ni Drilon, sa kanyang pamumuno ay sinimulan na niya ang reporma sa Senado at kabilang na rito ang pagbuwag ng pork barrel bukod pa ang pagsagawa ng imbestigasyon sa mga kasamahan na sangkot sa pork barrel scam.
“Isang taon na ang nakalilipas nang ikinagulat ng buong bansa at ng Senado ang kontrobersiya hinggil sa PDAF o pork barrel. Naintindihan namin ang poot ng taong bayan at tumugon tayo sa panawagan para sa kinakailangang hustisya at reporma,” ani Drilon.
Naniniwala ang mambabatas na sa tulong at partisipasyon ng taong bayan ay mananatiling matatag ang Senado bilang institusyon, kaya’t hiling niya sa publiko na dapat sa bawat indibidwal na miyembro ng kapulungan, tingnan ang kinasasangkutang kontrobersiya.