TILA sumakit ang ulo ni Pangulong Benigno Aquino III habang katabi sina Senate President Franklin Drilon at Vice President Jejomar Binay, sa ginanap na turn-over sa Rizal Hall ng Malacañang Palace sa dividend check na nagkakahalaga ng P6.3 bilyon mula sa Land Bank of the Philippines at ire-remit sa national treasury. Ang nasabing halaga ay bahagi ng P38-bilyon kinita ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
PORMAL nang tinanggap ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang bahagi ng kita ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa isang seremonya sa Malacañang kahapon.
Ngayong taon umaabot ito sa P38 billion at todo-pasalamat dito si Pangulong Aquino.
Alinsunod ito sa itina-tadhana ng Republic Act 7656 na hindi bababa ng 50 porsyento ng kita ng GOCCs tulad ng cash, stock o property dividends ang ire-remit sa national government.
Ang naturang tradisyon ay nagsimula noong 2010 sa pamamagitan ng Department of Finance (DoF).
Noong 2011 nakapag-remit ang GOCCs ng P10.2 billion at noong 2012 ay P29 billion.
Kabilang sa tinaguriang billionaires’ club ngayon taon ang PDIC na may P1.05 billion; PPA na P1.42 billion; PNOC-EC – P1.5 billion; MIAA – P1.58 billion; BCDA – P2.1 billion; PSALM – P2.5 billion; DBP – P3.62 billion; Pagcor – P9.79 billion at LBP – P6.3 billion.
Sa kanyang mensahe, ikinagalak at pinasalamatan ni Pangulong Aquino ang GOCCs dahil sa remittance nito sa national government.
Ayon sa Pangulong Aquino, iba na ang sitwasyon ngayon na napupunta na sa mga proyekto ng pamahalaan ang mga kita ng GOCCs, hindi tulad noong nakaraang administrasyon na napupunta lamang sa mga opisyal ng GOCCs.
(ROSE NOVENARIO)