NAGBUNGA ang pagsisikap ng isang mister na mahuli ang pangangaliwa ng kanyang misis nang maaktohan niya sa piling ng ibang lalaki kamakalawa ng hatinggabi sa Caloocan City.
Kulong ang ang mga suspek na sina Pilar Bayani, 45, ng Pinagisahan, Antipolo City, at Angelito Paguia, 33, ng Block 31, Lot 3, Phase 3, Dagat-Dagatan, Brgy.14 ng nasabing lungsod, kapwa nahaharap sa kasong concubinage at addultery.
Batay sa salaysay ni Ricardo Bayani, 46, halos dalawang linggo niyang sinusundan ang kanyang misis dahil nahahalata na niya ang ginagawang pagtataksil.
“Marami na kasi akong naririnig na tsismis tungkol sa ginagawa ng misis ko at no’ng una hindi ako naniniwala at dahil lagi ako sa trabaho ko, pero napuno na ako at nahalata ko na rin na malamig na siya sa akin,kaya sinundan ko na siya”
Kamakalawa dakong 12:30 a.m. ay may nakapagturo kung nasaan ang kanyang misis.
Agad pinuntahan ni mister ang bahay ni Paguia at nahuli sa akto ang ginagawang pagtataksil ng kanyang misis.
Humingi ng tulong si mister sa mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa. (ROMMEL SALES)