DUMIPENSA ang starlet na si Krista Miller kaugnay sa pagbisita niya sa Sputnik Gang leader at convicted drug lord na si Ricardo Camata sa Metropolitan Medical Center noong Mayo 31.
Nalagay sa kontrobersya si Miller sa nabunyag na pagdalaw niya lalo’t isa si Camata sa tatlong high profile inmates sa New Bilibid Prison na dinala sa ospital nang walang pahintulot ng korte.
Sa kanyang pahayag na binasa sa harap ng media, iginiit ni Miller na hindi siya masamang babae taliwas sa iniisip ng publiko sa kanya.
Paliwanag ng starlet, condominium unit ang ibinibenta niya kay Camata at hindi ang kanyang katawan.
Noong Enero pa aniya siya nagsimulang maging ahente ng real estate properties dahil hindi stable ang kanyang kita sa showbiz career.
“Purely business po ang transaction namin ni Mr. Camata,” bahagi ng pahayag ni Miller.
Napag-alaman, isinapubliko ng Department of Justice (DoJ) ang CCTV footage ng ospital na nakita ang pagpasok ni Miller sa silid ni Camata.
Ayon kay DoJ Usec. Francisco Baraan III, may posibilidad na kanilang ipa-summon si Miller at ang iba pang dumalaw kay Camata.