HINDI nakapalag ang isang babaeng tulak ng ipinagbabawal na gamot nang arestuhin ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanyang lungga sa Bulacan.
Kinilala ni Undersecretary Arturo Cacdac, Jr., PDEA director general, ang nadakip na si Arlene Ramos, 43, residente ng Banga 1st, Plaridel, sa naturang lalawigan.
Si Ramos ay matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa malawakan pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot partikular ang shabu sa Plaridel at karatig-bayan.
Napag-alaman na maraming nakabinbing kaso sa hukuman si Ramos hinggil sa illegal drug trade ngunit mailap sa batas dahil sa koneksyon.
Kamakalawa, hindi na nakatakas pa si Ramos nang madakma ng mga ahente ng PDEA Regional Office 3 sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Albert Fonacier ng Malolos Regional Trial Court.
(MICKA BAUTISTA)