PINAYUHAN ng Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) ang claimants at kamag-anak ng mga naging biktima ng human rights violation na kompletuhin na ang mga kaukulang dokumento na kakailanganin ng board upang maiwasan ang ano mang hassle sa pag-file ng kanilang applications.
Batay sa pagtaya ng pamahalaan, nasa 9,000 claimants ang maghahati-hati sa P10-billion reparation fund.
Ayon kay HRVCB Chairman Lina Sarmiento, kalimitan sa mga problema ay ang mga dokumento na nagpapatunay na sila ay kamag-anak ng legitimate claimants.
Una rito, inihayag ng board na magsasagawa sila ng nationwide caravan nang sa gayon hindi na mamroblema pa ang claimants.
Sinabi ni Sarmiento, nasa 16 lugar ang kanilang tinukoy isasagawa ang kanilang provincial caravan para sa pagproseso ng applications para sa pagbayad ng mga naging biktima ng human rights noong panahon ng Martial Law.
Magaganap ang unang leg ng caravan sa san Fernando City, Pampanga, mula Hunyo 9 hanggang Hunyo 10.
Giit ni Sarmiento, ang nasabing team ay binubuo ng pitong personnel ng HRVCB na may kasamang dalawang personnel mula sa Commission on Human Rights (CHR).
Habang ang last leg ng caravan ay isasagawa sa Zamboanga City sa Agosto 18-20.