NANINDIGAN ang Malacañang na walang pay hike na ipatutupad ang Department of Education (DepEd) para sa mga guro ng public schools sa bansa.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., walang pondo ang gobyerno para rito at nasa gitna na ng taon kaya’t hindi na ito naihabol sa budget.
Gayunpaman, sinabi niya na pag-aaralan nila ang kahilingan ng mga guro sa susunod na taon.
Nabatid na nagbanta ang kilos-protesta sa Mendiola ang mga guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kapag hindi natugunan ng gobyerno ang kanilang kahilingan.
(HNT)
ESTUDYANTE ‘WAG IDAMAY SA RALLY
NANAWAGAN ang pamunuan ng Department of Education (Dep-Ed) na huwag sanang idamay ng mga guro ang mga estudyante sa planong kilos protesta.
Ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro, karapatan ng mga guro na ipaabot ang kanilang hinaing sa gobyerno sa pamamagitan ng protesta, ngunit huwag nilang pabayaan ang mga estudyante sa mga paaralan.
Gayunpaman, kampante si Luistro na magiging responsable ang mga guro dahil may mga pagkakataon na rin na nag-rally sila ngunit bumalik din agad sa kani-kanilang paaralan.
Magugunitang nagbanta ang mga guro na magsasagawa sila ng rally sa unang araw ng klase kung hindi aaprubahan ng gobyerno ang hirit nilang maging P25,000 ang kasalukuyang sahod na P18,500 para sa public school teachers.
DEPED DINAGSA NG REKLAMO
SAMO’T SARING reklamo ang sumalubong sa Department of Education (DepEd) sa unang araw ng pasukan lalo na sa mga transfer student.
Sa National Capital Region (NCR), nakapagtala ng 88 kaso ang kagawaran at karamihan ay isyu sa transfer at kawalan ng mga Form-137 mula sa private schoolS na nagpapatunay sa completion ng mga mag-aaral.
Hinimok ng DepEd ang private schools na bigyan ng xerox copy ng dokumento ang mga estudyante para makapasok ang transfer students.
Reklamo ni Ester Cordova sa DepEd Command Center, hindi nakapasok ang dalawang anak niya kahit naka-enroll na sa Salapan Elementary School sa San Juan.
Transferees ang mga bata mula sa East Timor dahil doon nagtatrabaho ang kanilang mga magulang.
Hindi aniya maintindihan ang laman ng form 137 dahil nasa lengguwaheng Portuguese ito.
(ED MORENO)