KABILANG sa prayoridad ng Senado at Kongreso ang pagkakaloob ng dagdag benepisyo sa mga kapitan at kagawad ng barangay, lalo na ang mga retirement package na natatanggap ng mga kawani ng pamahalaan.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na convention ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas – Bulacan Provincial Chapter sa Lungsod ng Davao, sinabi ni Senate President Franklin Drilon na napagkasunduan nila ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., na bigyan ng prayoridad ang pagpasa ng panukalang batas na magsasama sa mga kawani ng barangay sa Government Service Insurance System (GSIS).
“Nauunawaan namin sa Kongreso ang mga nagagawa ng mga lider sa barangay bilang pangunahing tagapaghatid ng mga serbisyo ng gobyerno. Kaya naman nararapat lamang na bigyan sila ng karampatang pagkilala at benepisyo na tinatanggap ng mga kawani ng pamahalaan,” sabi ni Drilon.
Sa Senado, inihain ni Drilon ang Senate Bill No. 467 na magkakaloob ng retirement benefits sa mga kawani ng barangay.
Kapag naaprubahan ang batas na ito, ipinaliwanag ni Drilon na maaari nang mag-apply ng iba’t ibang loan sa GSIS, katulad ng pabahay, pang-edukasyon at pangkalamidad ang mga kapitan at kagawad.
Sinabi ni Drilon, nararapat lamang ang hakbang na ito dahil na rin sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kawani ng barangay sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao, gayundin sa pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya at proyektong pangkomunidad.