LUMUSOT sa Senado noong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas ni Senador Sonny Angara na magbibigay ng Philippine citizenship kay American NBA player at Brooklyn Nets center Andray Blatche para mapasama sa Gilas Pilipinas na sasabak sa 2014 FIBA World Championship ngayong Agosto.
“Isa si Blatche sa malalakas na center sa NBA ngayon. Kaya niyang tanggihan ang darating na mga offer sa kanya para lang makasali sa Gilas Pilipinas,” ani Angara na nagsabi na agad na ipapadala ang papeles ng big man ng Brooklyn sa Palasyo para sa pirma ni Pangulong Noynoy Aquino.
Nagpapasalamat nang malaki si Angara sa kanyang mga kasamahan, lalo na kina Senate Justice Committee Chairman Aquilino “Koko” Pimentel III at Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2108.
“Masasabi ko na todo-todo ang aming team effort dito… Mapa-majority o minority bloc man ay suportado ang bill… Siguro ay isa na rin itong paraan ng Senado na maipakita ang pagsuporta sa ating basketball team,” pagbibigay-diin ni Angara na binanggit sina Senate President Franklyn Drilon at ang mga senador na sina Tito Sotto at Jinggoy Estrada.
Maliban sa nalalapit na FIBA World Championship, makatutulong din si Blatche – na may average na 12 points, 6 rebounds, at halos 2 assists sa 2013-2014 NBA season – sa Gilas Pilipinas sa sasalihan nito na iba pang international basketball tournaments tulad ng Asian Games na gaganapin naman sa South Korea sa Setyembre.
Bago ang napipintong Pinoy citizenship ni Blatche, nakapag-ambag nang malaki ang na-naturalized noong 2011 na Amerikano rin na si Marcus Douthit sa pamamayagpag ng Pilipinas sa larangan ng international basketball at kuwalipikasyon ng Gilas Pilipinas sa edisyon ngayong taon ng FIBA World Championship.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay dumiretso sa FIBA Asia finals ang Gilas Pilipinas matapos nilang pataubin sa semifinals ang powerhouse sa Asya at kanilang kontrapelo na South Korea.
“Isa pong leap of faith ang pag-naturalized kay Douthit at nagbunga nang mabuti ang leap of faith na ‘yon. Sana matulad din ang kay Andray Blatche, umaasa po tayo palagi,” ani Angara.
(ENJEL MANATO)