DAHIL sa mga “posibleng paglabag sa mga alituntunin sa pagbabanko at mga batayan ng ethics” at upang magsagawa ng pagsasabatas ng mga panukalang “tutuldok sa mga katulad na gawi sa industriya ng pagbabanko at papasak sa mga butas ng umiiral na batas at kalakaran sa mabuting pamamahala,” ihahain ngayon ni House Deputy Assistant Majority Speaker Jose Christopher “Kit” Belmonte ang isang resolusyon na nagtutulak sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang board of directors ng sequester na United Coconut Planters Bank (UCPB).
Isinulong ang resolusyon bunsod ng kaliwa’t kanang alegasyon ng anti-graft watchdog na National Coalition of Filipino Consumers (NCFC) at ng sunod-sunod na pahayag ng coconut levy claimants group na Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM) na napaulat nitong nagdaang linggo.
Pinagpapaliwanag ng dalawang grupo ang board of directors ng UCPB kung bakit sila nagsampa ng dalawang kaso laban sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) na naglalayong angkinin nang tuluyan ang coco levy fund shares sa UCPB na nagkakahalaga ng P15.6 bilyon mula sa kabuuang P71 bilyon sapi sa nasabing banko, ganoondin ang di-makatarungang pagkuha sa serbisyo ng law firm ng UCPB board member na si Atty. Nilo Divina upang hawakan sa korte ang mga nabanggit na kaso.
Batay sa kopya ng resolusyong nakalap ng pahayagang ito, sinabi ni Belmonte na “bilang isang abogado at opisyal ng pamahalaan, maaaring isakdal si Divina dahil sa paglabag sa mga probisyon ng RA 6713, RA 3019, at sa atas ng Code of Professional Responsibility.”
Sa opisyal na pahayag, inamin ng UCPB Board na alam nila na maaaring may conflict of interest sa ginawa nila, ngunit sa kabila nito, itinuloy pa rin nila ang pagkuha sa serbisyo ng law firm ni Divina dahil sa payo ng sariling Corporate Governance Committee ng UCPB na nagsabing “determined that the corporate governance policies have been adequately satisfied” o “naaayon sa kanilang mga alituntunin hinggil sa corporate governance.”
Sa kanyang mga pahayag sa media, sinabi ni Atty. Divina, kasalukuyang dean ng University of Santo Tomas Faculty of Law, hindi hiningi ng kanyang law firm — ang Divina Law, ang mga kaso sa UCPB at hindi umano siya nakilahok sa mga deliberasyon ng UCPB board na naglalayong kunin ang serbisyo ng kanyang law firm.
Inakusahan ng militanteng grupong CLAIM ang UCPB board ng “systematic plunder” o “sistematikong pandarambong” dahil sa aksyong ito.
“Sa pagsasampa ng mga kaso, pondo ng mga magsasaka sa ating mga niyogan ang ipinambabayad sa law firm ng isang UCPB director. Isa itong scam at sistematikong pandarambong sa pangunguna ng mismong mga tagaloob ng UCPB,” mariing turan ni Arvin Borromeo, spokesperson ng CLAIM.
Sinabi rin ni Belmonte na kailangang imbestigahan ang mga alegasyon ng NCFC at ng CLAIM dahil ang UCPB board members ay “public officials sa ilalim ng Sangay Ehekutibo” at dapat may pananagutan “sa pinakamataas na batayan ng ethics at good governance, hindi lamang para iwasan ang maling gawi, kundi pati na rin ang pananaw ng publiko na sila’y gumagawa nito.”
Ang mga kasapi ng board ng UCPB ay hinirang ng PCGG at aprubado ng Pangulo. Ito ay pinamumunuan ni Menardo Jimenez bilang Chairman at kabilang sa nasabing board sina Jeronimo Kilayko (President and CEO), Jaime Aristotle B. Alip, Datu Mao K. Andong, Jr., Arthur A. Bautista, Atty. Nilo T. Divina, Atty. Karlo Marco P. Estavillo, Atty. Primitivo Y. Garcia III, Higinio O. Macadaeg, Jr., Cristina Q. Orbeta, Danilo V. Pulido, Oscar C. Solidor, Efren M. Villaseñor, John Y. Young, at si Ildefonso R. Jimenez.
Sa gitna ng mga alegasyong ito, nananawagan ang CLAIM sa Pangulo na sipain na ang mga nasabing miyembro ng UCPB board.
“Dapat may managot sa UCPB, maliban na lamang kung ang panlalansing ito ng UCPB board ay may basbas ni Aquino mismo, at nangangati nang makinabang sa kita ng coco levy fund,” diin ni Borromeo.
HATAW News team