KINATIGAN ng Supreme Court ang pagbasura ng Sandiganbayan sa 120 piraso ng dokumento na isinumite ng gobyerno laban kay dating First Lady Imelda Marcos at ilang miyembro ng pamilya Tantoco.
Ayon sa Korte Suprema, walang pag-abuso sa poder na ginawa ang Sandiganbayan makaraan ibasura ang nasabing mga ebidensiya dahil sa kabiguan ng gobyerno na ito’y ipresenta sa pretrial ng kaso.
Ang naturang mga ebidensiya ay may kaugnayan sa civil suit na isinampa ng Presidential Commission on Good Government laban sa dating First Lady, dating Pangulong Ferdinand Marcos at sa pamilya Tantoco na sinasabing dummies noon ng mga Marcos.
Maalala, noong 2009 ay ibinasura ng Sandiganbayan ang nasabing mga ebidensiya ngunit umapela ang PCGG sa Korte Suprema.
Ngunit sa desisyon na isinulat ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, sinabi ng kataas-taasang hukuman na walang mali sa ginawang desisyon ng Sandiganbayan. (HNT)