DAVAO DEL SUR – Patay ang isang media practitioner makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo dakong 7 a.m. kahapon sa Digos City, Davao del Sur.
Kinilala ang biktimang si Sammy Oliverio, isang blocktime radio commentator sa University of Mindanao Broadcasting Network (UMBN).
Sinasabing mula sa palengke si Oliverio kasama ang kanyang asawa at habang pauwi na nang tabihan ng nakamotorsiklo na riding in tandem suspects at binaril sa ulo nang dalawang beses ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung sino ang nasa likod at kung ano ang motibo sa insidente.
Si Oliverio ay blocktime commentator ng city government ng Davao del Sur.
Ayon kay Marlon Malnegro, malapit na kaibigan ni Oliverio, at isa ring radio commentator, hindi hard hitting na komentarista ang biktima kaya sa inisyal nilang paniniwala, maaaring personal ang motibo sa nasabing krimen.
MEDIA KILLING RESOLBAHIN — PNOY
PINATUTUKAN ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa mga awtoridad ang panibagong kaso ng pagpatay sa isang radio commentator sa Digos City, Davao del Sur.
Si Sammy Oliverio, broadcaster ng DXDS-University of Mindanao Broadcasting Network sa Digos City, ay pinaslang kahapon ng umaga ng hindi nakilalang riding in tandem.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang local police sa nasabing insidente.
Ayon kay Valte, papanagutin ang mga suspek sa krimen at aalamin kung ano ang motibo ng pagpatay sa radio broadcaster sa Digos.
(ROSE NOVENARIO)