MALAPIT na ang pagdating ng sentro ng Brooklyn Nets na si Andray Blatche sa Pilipinas upang maging naturalized na manlalaro ng Gilas Pilipinas.
Bumisita si Blatche sa Philippine consulate sa New York City noong isang araw upang pumirma ng sworn affidavit na inaprubahan ni New Jersey notary public Cynthia Raia.
“My intention is to mingle with Filipinos and embrace the customs, traditions and ideals of the Filipino people,” wika ni Blatche na nagdala sa Nets sa Eastern Conference semifinals ng NBA bago sila natalo sa Miami Heat.
Inaasahang darating si Blatche sa Pilipinas bukas at dadalo siya sa Senado sa Lunes kung saan inaasahang papasa sa ikatlong pagbasa ang Senate Bill 4084 ni Senador Juan Edgardo Angara na tuluyang magbibigay ng naturalization sa kanya.
Kapag okey na ang naturalization ni Blatche ay isasama siya sa lineup ng Gilas para sa FIBA World Cup sa Espanya sa Agosto at sa Asian Games in Incheon, Korea, sa Setyembre. (James Ty III)