PATAGILID na bumagsak ang crane na pag-aari ng Wing-An Construction and Development Corporation, nang mahulog mula sa gumuhong ginagawang konkretong tulay sa Calumpit, Bulacan. Dalawang trabahador ng kompanya ang sugatan sa insidente.
(DAISY MEDINA)
DALAWA ang sugatan makaraan mahulog ang isang crane ng construction company na gumagawa ng Calumpit bridge sa Bulacan nang bumigay ang kinalalagyan nito sa bahagi ng konkretong tulay kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Robert Baid, 30, crane operator, at Jerry David, 45, mason, kapwa stay-in worker ng Wing-An Construction and Development Corporation na may tanggapan sa San Juan, Metro Manila, contractor ng ginagawang tulay.
Ayon sa pahayag ni Darwin Acosta, project engineer, dakong 10:45 a.m. nang mangyari ang insidente habang sila ay abala sa pagtatrabaho sa ginagawang tulay.
Nakarinig na lamang sila ng langitngit ng mga bakal at nakita ang unti-unting pagkahulog ng crane mula sa bumigay na konkretong tulay.
Hindi pa tiyak ng mga awtoridad kung ang dalawang sugatan ay sakay ng crane nang mahulog ito sa tulay.
(DAISY MEDINA)