HINDI pinagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Senador Jinggoy Estrada na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagdinig ng Ombudsman sa kasong plunder kaugnay sa kontrobersiyal na P10-B pork barrel scam.
Sa ipinalabas na resolution kahapon, binigyang-pagkakataon ng Kataas-taasang Hukuman ang mga respondent na kinabibilangan ng Ombudsman, National Bureau of Investigation at Atty. Levito Baligod na maghain ng paliwanag o komento sa petisyon ni Estrada sa loob ng sampung araw.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Estrada na ang reklamo laban sa kanya ay bahagi lamang ng pamumulitika sa hangad na siraan ang oposisyon na kanyang kinabilangan.
Kasama rin sa hiniling ni Estrada sa KS ang atasan nito ang Ombudsman na bigyan siya ng kopya ng mga dokumento na may kinalaman sa kanyang kaso.
Naniniwala rin ang senador na nilabag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang sariling Rules of Procedure ng Ombudsman, pati na ang Rule 112 ng Rules of Court at Article 3 ng Konstitusyon nang ipalabas nito ang resolusyon na nagbasura sa hiling ni Estrada na mabigyan siya ng kopya ng mga affidavit hinggil sa kasong plunder laban sa kanya.
(leonard basilio)