PINAGTIBAY na ng Comelec en banc ang pagpapatalsik kay Laguna Gov. ER Ejercito dahil sa overspending o paglabag sa Fair Elections Act noong 2013 elections.
Sa resolusyon ng Comelec lumabas ang 7-0 boto para ibasura ng komisyon ang apela ng kampo ni Ejercito.
Ayon sa Comelec, dapat may limit lamang sa paggastos sa halalan.
Base anila sa natipong mga dokumento mula sa Laguna Provincial Election Office, gumastos si Ejercito ng hanggang P23.5 milyon noong nakaraang halalan.
Giit ng Comelec, sa ilalim ng batas pinapayagan lamang ang kandidato na gumastos ng P3 kada constituent nila.
Anang Comelec, naibigay na ang desisyon sa mga abogado ng gobernador.
Inihayag ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, isa sa maaaring gawin ng gobernador ay dumulog na sa Supreme Court.
Mayroon aniyang limang araw si Ejercito para makakuha ng temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang pagpapatupad ng kautusan ng Comelec.
Kung maipatupad ang resolusyson, hahalili sa kanya si Laguna Vice Governor Ramil Hernandez.
Inihayag ni Ejercito na idudulog niya ang desisyon ng Comelec sa Korte Suprema. (HNT)