ITATABI na muna ng San Mig Coffee ang pagod at ang pagdiriwang at pagtutuunan ng pansin ang pagtugis sa Grand Slam sa pagkikita nila ng Barako Bull sa PBA Governors Cup mamayang 8 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magbabawi naman sa kabiguang sinapit sa nakaraang conference ang Talk N Text sa pagkikita nila ng Meralco Bolts sa unang laro sa ganap na 5:45 pm.
Kung maipagpapatuloy ng defending champion Mixers ang tagumpay at maidepensa ang korona sa Governors Cup ay makukumpleto nila ang Grand Slam na siyang ikalima sa kasaysayan ng PBA. Ang Mixers ay nagkampeon din sa nakaraang Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Ibinalik ng San Mig Coffee si Marqus Blakely na siyang reigning Best Import ng torneo.
Makakaharap niya si si Eric Wise, anak ng dating PBA import na si Francois Wise.
Sa kanyang unang laro noong Linggo, si Wise ay nagtala ng 33 puntos upang tulungan ang Energy na maungusan ang Meralco Bolts, 95-94. Si Wise ay tinulungan ng mga rookies na sina Jeric Fortuna na gumawa ng 13 puntos at Carlo Lastimosa na nagdagdag ng 10.
Ang Energy ay iginigiya ngayon ni head coach Bethune “Siot” Tanquingcen na humalili kay Bong Ramos.
Si San Mig Coffee coach Tim Cone ay patuloy na sasandig kina Marc Pingris, Peter June Simon, Marc Barroca, Joe DeVance at two-time Most Valuable Player James Yap na naparangalan bilang MVP ng Commissioner’s Cup finals.
Ang Talk N Text, na natalo sa San Mig Coffee sa nakaraang Finals, ay pangugunahan ng import na si Othyus Jeffers. Makakatapat niya si Terrence Williams na nais na makabawi sa 19 puntos na naitala niya kontra sa Barako Bull.
Makakatulong ni Jeffers sina JimmyAlapag, Jayson Castro, Kelly Williams, Ranidel de Ocampo at Larry Fonacier. Makakaduwelo nila sina Gary David, Cliff Hodge, Reynell Hugnatan, Jared Dillinger at Danilo Ildefonso.
(SABRINA PASCUA)