MALAKING bagay din para sa San Mig Coffee at kay head coach Tim Cone ang pagkawala sa coaching staff ni Jeffrey Cariaso na ngayon ay nasa Barangay Ginebra San Miguel na.
Si Cariaso ay ninombrahan bilang head coach ng Gin Kings kapalit ni Renato Agustin simula sa kasalukuyang Governors Cup.
Isang malaking promotion ito para kay Cariaso na walong conferences ding nagsilbi bilang assistant ni Cone. Sa loob ng panahong iyon ay marami siyang natutunan. At marami din siyang naitulong.
Kung titignang maigi, chief assistant si Cariaso. Kasi, kapag wala si Cone, siya ang tatangan sa mixers.
Hindi nga ba’t sa ilang pagkakataon na na-thrown out sa laro si Cone ay si Cariaso ang siyang nagsisilbing coach. Hindi si Johnny Abarrientos. Hindi si Olsen Racela o si Richard del Rosario.
So, malaki ang kontribusyon ni Cariaso sa tatlong sunud-sunod na kampeonatong napanalunan ng Mixers.
Sayang nga lang dahil sa hindi siya magiging bahagi ng paghabol ng Mixers sa Grand Slam kasi wala na siya sa roster ng koponan sa kasalukuyang Governors Cup.
O baka siya ang magiging tinik sa lalamunan ng San Mig Coffee sa hangarin nitong makumpleto ang misyon?
Kasi nga, kabisado niya ang sistema ng Mixers at baka ang Gin Kings ang maging sagabal sa misyon.
If ever, si Caraso ang susubok na pumigil sa hangarin ng San Mig Coffee. Siya ang pipigil sa Grand Slam aspirations na binubuo nila.
Kasama siya sa pagbuo pero hindi siya kasama sa kukumpleto.
May sariling tadhana na si Cariaso sa PBA.
Sabrina Pascua